May bago akong trip, ang YTRIP! sinulat ko to para dun. biyahe tayo!
———————————————————
Takipsilim na nun at mag-isa akong umiinom ng softdrink habang pinapanood ko dapat ang paglubog ng araw sa manila bay. Pero hindi, lagi ko lang nahuhuli ang sarili kong nakatingin sa kawalan. Hilo ako sa kaka isip kung bakit tayo nagka ganun. Kung bakit pagkatapos mong itutok ang iyong hintuturo sa aking ilong sumigaw ka ng “bumalik ka na sa ‘yong pinanggalingan!” sabay fade away na para bang naka shoot sa basketball..
Dala marahil ng sobrang tindi ng nararamdaman naging mababaw ako at naitanong sa sarili: bakit, ano bang meron sa pinanggalingan ko at gusto nya kong bumalik dun? Eh hindi pa naman sya nakapunta dun. Ano ba alam nun? Ang babaw pero pinatulan ko na.
Ang bawat tao ay dumarating sa punto ng pagtatanong kung saan sya nanggaling, at saan sya papunta. Hindi mo raw mararating ang patutunguhan kung di ka marunong lumingon sa pinanggalingan.
Kaya ang biyahe ko, sinimulan ko sa kung saan ako nanggaling. Sa lugar ng tatay ko. Sensya na dun sa senti an intro, alam ko, marami sa inyo nasabihan na ng ganun. Sa maniwala kayo o hindi, ang gamot sa heartache, ay pagbiyahe sa bayan.
Ang bayan ng San Agustin, Surigao del Sur ay matatagpuan sa eastern coast ng Mindanao. Five towns away ‘to sa Tandag, ang provincial capital ng Surigao del Sur, at four towns away naman from Bislig City. At dahil pinoy tayo at sa oras ng biyahe natin sinusukat ang layo ng mga bagay-bagay, sasabihin kong 7 hours away sya from Davao city, at 5 hours naman from Butuan City. Lahat yan by air. Hehe. Joke lang. By land syempre.
Fishing and farming ang mga pangunahing sources of income ng mga tao dito. Nung bata ako, lagi akong iniiwan ng mga magulang ko dun. Grade four ng matutunan ko ang ratio and proportion sa math. Sa tantya ko nun, merong isang kalabaw kada isang pamilya. Ngayon, iilan nalang ang nakikita kong kalabaw. Pero may kakaiba akong napansin ngayon. Merong mga puting ibon na kasing laki ng pato na laging umaaligid sa mga kalabaw. Sabi ng tito ko, white leghorn daw yun. Sabi naman ng tita ko, heron. Ang sabi ko, tatawagin ko yung kakilala kong taga birdwatch para malaman ko kung ano talaga.
Ang baybayin ng San Agustin ay nakaharap sa Pacific Ocean, kung kayat malakas ang hampas ng mga alon dito paggdating ng gabi. Ang sarap matulog sa hele ng mga alon ng pacifico dahil sobrang regular ng rhythm ng waves. Kung ginawan mo ng waveform plot, perfect sinusoid yan. Oops sensysa na, suma-sideline akong engineer sa umaga. Naks. Pero ang galing nga ng mga alon dun, lalo na sa area na ang tawag nila Duot. Minsan tumambling na ko sa ilalim ng mga alon na yun. Panalo. Tatlong baso ng tubig alat ang nilagok ko. Pero kung mag low tide naman, akala mo magkaka tsunami na sa layo. Meron ding mga isla sa barangay brettania at barangay salvacion na white sand at walang kuryente, walang coke, walang tao.
Ibang klase dun, sa sobrang abala ng mga tao sa ginagawa nila, kokonti ang kasabay mong mag beach pag weekend, o kaya mag muni-muni sa bukid. Mabagal ang takbo ng mga oras. Malinis ang simoy ng hangin. Masarap mag-isip at mangarap. Simple pero rock. Natural high.
Dito ka rin makakakita ng skylab, live! Motorsiklo yan na may panels tulad ng mga satellites kaya skylab. Kung mag-isa ka lang na sasakay, kailangan mo magdala ng isang sakong bigas pang-balance.
Bukod sa dagat at bukid, meron ding mga mangrove forest. Sa isang area na tinawag na Sabang, dun, laglag baba ko sa ganda ng mangrove area. Malalakas ang huni ng mga ibon at kuliglig, nagiging noise ang ipod. Brackishwater ang area ng Sabang, na kunektado naman sa Hubo river.
Hubo River. Waw. Nice name. pero imbis na maexcite, naiyak ako. Umupo ako sa gilid ng Hubo pagkatapos ng isang araw kong paglibot sa San Agustin, sabi ko: waw. Eto ang peace of mind, pare. Oo nga, sagot ng sarili ko. Dito pinanganak at lumaki ang tatay mo. Dito mo binuhos ang masasayang tag-init ng kabataan mo. Nararapat lang na dito mo mahahanap ang peace of mind na matagal mo ng hinahanap. Waw. Bigat. Overload. Ex-sweetheart, eto bumalik na ko mula sa pinangalingan ko. Salamat sa payo. Hindi na ko babalik sa ‘yo. O ayan, tama na drama. Biyahe na!
Sa mga gustong pumunta ng San Agustin, Surigao del Sur, pwede ninyong gawing base ang davao city o butuan city. Sa mga syudad na yan, sumakay ng bus na papuntang Tandag. Ang average na pamasahe mula davao city ay P450, at sa Butuan naman, P250. I advise that you guys wear light clothing kasi karamihan sa mga bumibiyaheng bus ay walang aircon. Sa mga babae naman, hindi ako nagbibiro, kung may sports bra kayo, gamitin nyo dito. Merong rough road area sa biyahe na kakailanganin ng suporta. Bumaba kayo sa barangay poblacion ng San Agustin para makahanap ng accomodations kung balak nyo mag-overnight. Mula sa national highway sa poblacion, 10 minutes lang ang lakad papuntang dagat. Wag na problemahin ang pagkain, fresh lahat ng pagkain dun at mura.


