lumaki ako sa probinsya nung panahon na ang tanging pampalipas oras ng mga tao ay ang pakikinig sa mga programang drama sa radyo. dun ko unang naramdaman ang matitinding galit, takot, kaba, at maging ang pag-ibig. dun na yata ako nagkamalay. dun ko rin unang narinig ang tunog ng tunay na sampalan.
nakakabilib kung paanong sa pamamagitan lamang ng boses at sound epeks, naaanod tayo sa agos ng mga damdamin ng mga pangunahing character at istorya. mainam itong kasama sa pag-iisa at nagiging punto rin ng mga pagtitipon ng mga magkapitbahay sa barrio. naging bahagi na ito ng kulturang pilipino. pero nakakalungkot isipin, unti-unti na itong nawawala.
nung sabado, kasama ang mga volunteers ng blogandsoul, sinubukan naming buhayin muli ang tradisyong ito. pero imbis na radyo, podcast na ang ginawa namin. podcast na mala radio-drama.
eto ang ibang mga behind-the-scenes na kuha habang nag rerecording.

ang kwento ng “buhay ni boy” ay hango sa totoong buhay ng isang taong nagmahal, at nabigo. ang tanging kasalanan nya, pinanganak syang mahirap. dabest diba? pang blockbuster. una palang ito sa ilang episodes ng serye ng buhay ni boy. kaya abangan ang mga susunod na kabanata. narito ang link para sa podcast ng buhay ni boy.
sana magustuhan nyo. at sana mapukaw ang mga matagal ng natutulog ninyong mga alaala, ng mga hapon na pinapatulog tayo ni nanay o yaya habang namamalantsa sya o naglalaba. at sana, maging bata muli tayo at ng maramdaman nating parang first time ang mga matitinding galit, takot, kaba, at maging ang pag-ibig. masyado na kasi tayong jaded at nawawala na ang totoong kahulugan ng mga damdaming yan.
mabuhay ang pinoy radyo drama!
————–
kudos kina jayvee, juned, karlo, ajay, jm, markku, and lauren. mabuhay kayo!
»read more from "buhay ni boy (2007)"