kanina habang naglilinis ng desk sa opis nakita ko yung lalagyan ko ng kape na binigay sa kin ng isa kong kaibigan nung bday ko 3 years ago. hindi ko na halos mabuksan sa lagkit ng nanigas na juice ng huli ko tong ginamit. nung huling araw ng pinaka masaya kong linggo last year. sa kalagitnaan ng paghuhugas nawala ang isip ko sa kapal ng bula ng dishwashing liquid.
kapag nasa starbucks kami ng mga kaibigan ko laging parehong combo lang ang kinukuha namin. hindi dahil sa yun ang nakasanayan kundi dahil yun lang ang kaya naming i-pronounce. yung isa laging hot choco, yung isa laging juice, ako naman laging iced mocha. walang mintis. subukan mong kumuha ng latte o frappe at gugulong na kaming lahat sa tawa o kaya amusement. ewan ko ba. dala siguro ng kahirapan kaya pinagtatawanan nalang namin ang katangahan. tapos tuwing punta namin sa coffeeshop yun na ang event ng mga buhay namin. for the month.
hanggang sa nawalan na ng saysay ang pag kakape namin dun kasi lumaki na ang income namin at kaya na naming araw-arawin. at umoorder na kami ngayon ng cinnamon. naks. hindi na rin big deal ang latte at frappe. in fact, umoorder na kami ng parfait sa icebergs. hindi na rin big deal sa kin ang pag order ng croissant. hindi ko na nga to nauubos eh.
days after umalis yung isa kong kaibigan papuntang states napadaan ako starbucks at umorder ako ng iced mocha. iba na pala talaga. parang lagi ko ng ineexpect na may bubulong sa tabi ko ng : na naman? sabay tawa. nung araw na yun, nalungkot ako. namiss ko lahat.
masaya na malungkot na hindi na big deal sa amin ang pagkakape. masaya kasi kaya pala naming makisabay sa mainstream na culture. malungkot kasi lumipas na ang panahon. bihira na kaming magkita. may kanya-kanya na kaming buhay.
kulubot na ang mga daliri ko ng mapansin kong naghuhugas nga pala ako ng tumbler. at pagkalinis neto, nilagyan ko ng instant coffee sa office at binuhusan ng pagkaraming creamer at asukal. nagbabakasakali, na baka kayang ibalik ng nag uumapaw na tamis ang mga alaala ng panahong pangarap lang namin ang starbucks.
dahil ngayon, baliktad na. starbucks nalang ang natira. pangarap na ang ganung ka-sayang pagsasama.

